Bakit ang Bilis Mo Sumuko sa Atin?
Paulit-ulit na tanong sa aking sarili
Na sa labis na gasgas ay tila kabisa na
Ng apat na dingding ng aking silid
Kaya kanyang hinuhuni pabalik ang bawat titik
Bakit ang Bilis Mo Sumuko sa Atin?
Minsan ako’y nagmuni-muni
Kasama ang mga munti kong kasiping
Init ng kape na mas tumagal pa sa relasyon natin
Usok ng yosi na mas malinaw pa sa iyong mga “dahil”
Mabuti pa ang manika, kapag ang galaw ay humina
Bibili lang ng baterya, ay muling iindak sa musika
Mabuti pa ang bala ng gameboy, kapag nagsimulang magloko
Ihip na hindi nahahapo, masilayan lang si Mario
Mabuti pa ang lapis, kapag ang sulat ay di na mawari
Tasahan lang ng kaunti, ang anyo’y tila sandata ulit
Ngunit tayo, ngunit tayo, ngunit tayo
Bakit ang Bilis Mo Sumuko sa Atin?
Saang parte ng halik ko ang lasa ay tila pumait?
Gawa ba ito ng mga nasambit ko nung away natin?
Saang parte ng yakap ko ang pasa ay kumapit?
Gawa ba ito ng pagtulak ko noong ako’y iyong pinilit?
O baka naman may nagkulang sa “Mahal Kita”?
Marahil sa tono, bigkas o kung ano man?
Ikaw ay sumagot, ikaw ay sumagot
Pakiusap, dugtungan mo ang soliloquy ko
Pero oo nga pala, aking nakakalimutan
Naglaho ka na bago pa kita lingunin at makausap
Kaya ngayon, akin na lang hahayaan
Sa aking isipan ay itatanim na lang
Na kunwari, ako ay isang hamak na estudyante
Na sa aking pagsusulit ay nangangamote
Bakit ang Bilis Mo Sumuko sa Atin?
Bakit ang Bilis Mo Sumuko sa Atin?
Bakit ang Bilis Mo Sumuko sa Atin?
Tangina Bakit ang Bilis Mo Sumuko sa Atin?
Ipinasa ko na ang aking papel..
Malinis, blanko, puro espasyo, walang sagot
Pero mas mabuti na siguro ang ganoon
Na sa halip na pilit isipin ay kusa na kong sumuko
Kaysa naman mapag-iwanan ako ng panahon
At lisanin ng mga kumakalabit na pagkakataon
No comments:
Post a Comment